Part 6 - "Suffered Under Pontius Pilate; Was Crucified, Dead and Buried"

The Apostles' Creed  •  Sermon  •  Submitted
0 ratings
· 29 views
Notes
Transcript
Sermon Tone Analysis
A
D
F
J
S
Emotion
A
C
T
Language
O
C
E
A
E
Social
View more →
The necessity of confessing Christ rightly
Tinatawag natin ang sarili natin na mga Christians, believers, disciples or followers of Christ. Bihira naman ang mga tao ngayon na outrightly ay magde-deny kay Cristo at sasabihing, “Ayoko sa kanya. I hate him.” Marami siyang “admirers” or “fans” ngayon. At tayong mga Christians ay sinasabing nating tayo ay “followers” of Christ. Naniniwala tayo sa kanya, nagtitiwala tayo sa kanya, sumusunod tayo sa kanya. Madaling sabihin ‘yan. Marami naman kasing “nominal Christians” lang, Cristiano sa nguso, Cristiano kuno. It is one thing to confess Christ, another thing to confess the right Christ. Pwede mong sabihing naniniwala ka kay Cristo, pero sinong Cristo ang pinaniniwalaan mo? Yun ang mahalagang tanong.
Kaya mahalaga ang “confession” ng Apostles’ Creed. ‘Pag sinabing confess, usually naiisip natin yung pag-confess ng kasalanan natin (1 John 1:9). Ang binibigkas natin ay pagsang-ayon sa sinasabi ng Diyos hindi lang sa kasalanan natin, kundi sa Tagapagligtas natin sa kasalanan. “Ang hindi kumikilala sa Anak ay hindi rin kumikilala sa Ama. Ang kumikilala (confesses) sa Anak ay kumikilala rin sa Ama” (2:23). “Ito ang palatandaan na ang Espiritu ng Diyos nga ang nasa kanila: kung ipinapahayag (confesses) nila na si Jesu-Cristo ay dumating bilang tao. Kung hindi gayon ang kanilang ipinapahayag (confesses) tungkol kay Jesus, hindi mula sa Diyos ang espiritung nasa kanila” (4:2-3). “Ang nagpapahayag (confesses) na si Jesus ang Anak ng Diyos ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos nama'y nananatili sa kanya” (4:15).
Kaya mahalaga ang theology. Kaya mahalaga ang Apostles’ Creed na hindi lang natin ipinapahayag kundi inuunawang mabuti. Makikita natin dito ang suma ng “Christian theology” na ayon kay Daniel Treier ay merong “trinitarian” at “narrative” na structure. Ito yung “drama of redemption,” o yung tinatawag nating “The Story of God” na kinapapalooban ng “four glorious unions.” Una na nating napag-aralan yung tungkol sa Trinity—one God in three persons. Ikalawa, yung last week, yung “the incarnation”—o yung dalawang natures ni Cristo, pagiging Diyos at pagiging tao sa iisang Son of God. Ikatlo, yung pag-aaralan natin ngayon, yung “the atonement”—yung reconciliation between sinners and God; at ikaapat, “the covenant—the communion of the saints with God,” diyan patungo ang buong istoryang ito, and also the goal of our theology (Introducing Evangelical Theology, “Introduction”).
So, sa pag-aaral natin ng Christology ng Apostles’ Creed, tingnan natin sa context nitong larger perspective. Nauna na nating pag-aralan two weeks ago ang tungkol sa kung sino si Cristo (“Jesus Christ, His only Son, our Lord”), at last ay yung tungkol sa kanyang incarnation o pagkakatawang-tao (“conceived by the Holy Spirit, born of the virgin Mary”). At simula ngayon ay yung tungkol sa kanyang ginawa para sa ating kaligtasan. Sabi ni Joel Beeke, "The person and work of Christ are the core of the gospel (1 Cor. 2:2). Just as the person of the incarnate Lord is the foundation of our salvation, so his work is the accomplishment and application of our salvation" (Reformed Systematic Theology, 2:869).

Inadequate approaches to the work of Christ

So kung yung “work” ng Panginoong Jesus ay may kinalaman sa “accomplishment and application of our salvation,” napakahalaga talaga na maintindihan natin yun. Kasi merong iba’t ibang pananaw ang mga tao ngayon tungkol dyan. Nagbanggit si Joel Beeke ng ilang mga “inadequate approaches to the work of Christ” (2:870-873):
Yung iba ang tingin kay Cristo ay bilang isang wise teacher. Totoo naman. Pero naparito si Jesus hindi lang basta magturo ng magagandang aral na dapat nating pakinggan, paniwalaan at sundin. Ang pagparito niya ay hindi lang tungkol sa mga itinuro niya, kundi sa ginawa niya.
Yung iba naman ang tingin sa kanya ay isang terrifying king. Bilang hari, hahatulan niya ang mga nagrerebelde sa kanya, kaya nakakatakot ang pagbabalik niya sa mga unrepentant. Totoo naman, pero he is also “gentle and lowly,” na nag-aanyaya sa mga tao na lumapit sa kanya.
Yung iba naman ang tingin sa kanya ay isang crucified sacrifice. Yung image na nangingibabaw ay yung katawan ni Cristo na nakabayubay sa krus ng kalbaryo. Totoo namang “sacrifice” ang ginawa niya. Pero hindi lang siya parang isang hero o martyr na nag-iinspire sa mga followers siya. Kailangang maintindahan natin ang essence ng crucifixion ni Jesus.
Yung iba naman ang tingin sa kanya ay isang spiritual power. Hindi mahalaga yung historical event, basta “Christ is inside you.” Siya ang nag-eempower sa ‘yo, nagpapalakas sa ‘yo. May katotohanan siyempre, pero nagiging very subjective ang approach sa Christianity.
Yung iba naman very romantic ang approach kay Cristo, na parang isang mystical lover. Pero nagiging emotional lang, based lang sa feelings.
Yung iba ang tingin sa kanya ay isang sympathetic sufferer. Naiintindihan niya ang mga dinaranas mong paghihirap. Totoo. Pero his sufferings were more than that. Hindi lang para maka-identify sa afflictions natin, but to rescue us from eternal suffering.
Yung iba naman napopolitika na ang image ni Christ, na para siyang social activitist o isang revolutionary liberator. Para raw palayain ang bansa natin, lalo na ang mga mahihirap at naaapi, mula sa mga injustices and oppression ng mga abusadong namumuno. Pero yun nga ba ang primary reason kung bakit naparito ang Anak ng Diyos?
These images may communicate some truths about who Christ is and what he has done. Pero karaniwang nagiging “one-sided.” Marami naman ang nakakaalam kung sino si Jesus, anu-ano ang ginawa niya, anu-ano ang mga itinuro niya, kung paano siya namatay, at yung historical event ng resurrection niya. Pero ano ang ibig sabihin nun? Ano yung na-accomplish niya sa mga ginawa niya? Kaya mahalagang pag-aralan yung susunod na linya sa confession of our faith sa Apostles’ Creed: “He suffered under Pontius Pilate, was crucified, died and was buried”; “Nagdusa sa ilaliim ni Poncio Pilato; ipinako sa krus, namatay, at inilibing”; “passus sub Pontio Pilato, crucifixus, mortuus, et sepultus.” Isa-isahin natin yung meaning and significance ng bawat termino dyan.

“Suffered”

Maraming nagtataka kung bakit nilaktawan ng Creed yun tungkol sa buhay at ministeryo ng Panginoong Jesus, at diretso agad sa kamatayan niya. Marami siyempreng nakasulat sa Gospels—Matthew, Mark, Luke and John—tungkol diyan. Tandaan natin na itong Creed ay summary, at nagsisilbing “rule of faith” para magabayan tayo sa pagbabasa ng record tungkol sa buhay ni Jesus. So, read the Gospels para mas makilala mo ang Panginoong Jesus. At matutulungan tayo ng Creed para makita at maalala kung ano yung layunin bakit siya naparito. Hindi lang para magturo, magpagaling, at gumawa ng mga himala. Naparito siya para hanapin at iligtas ang mga naliligaw (Luke 19:10). At paano mangyayari yun? Naparito siya hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at ibigay ang kanyang buhay para sa ikatutubos ng marami (Mark 10:45). He was born to die. So, yung goal ng incarnation niya ay yung crucifixion.
Pero, hindi rin naman tama na sabihin nating nilaktawan ng Creed ang buong buhay ni Jesus. Implied kasi yun sa “suffered under Pontius Pilate.” Hindi lang ‘yan tungkol sa suffering niya sa dulo ng buhay niya, kundi sa suffering na naranasan niya sa buong buhay niya—mula sa kapanganakan hanggang sa kamatayan niya. Mahalagang ipaalala dahil, ayon kay Albert Mohler, nakakalimutan nating mga Christians na si Jesus ay hindi lang namatay para sa atin, siya rin ay nagdusa at naghirap para sa atin.
Kaya yung bungad sa sagot ng Heidelberg Catechism sa Question 37 tungkol sa “suffering” ng Panginoong Jesus, “Sa lahat ng panahong namuhay Siya sa daigdig, at mas lalo na noong bandang huli...” Hindi lang sa dulo, kundi buong buhay niya dito sa mundo ay puno ng pagdurusa. Tandaan mo ‘yan, lalo na sa panahong dumaranas ka ng matinding paghihirap. Your Savior was a sufferer. Nagbigay si Zacharias Ursinus, main author ng Heidelberg Catechism, ng pitong paraan kung paanong nagdusa si Cristo:
Iniwan niya ang mga kagalakan ng langit.
Naranasan niya ang mga kahirapang nararanasan ng mga tao tulad ng pagkagutom, pagkauhaw, kalungkutan, pagtangis, at marami pang iba.
Naranasan niya ang kawalan at ang kahirapan, ni wala siyang sariling tirahan.
Pinagtiisan niya ang mga pang-iinsulto, pagtatraydor, paninirang-puri, paglapastangan, pagtatakwil, at masamang pagtrato ng mga tao sa kanya.
Hinarap niya ang mga tukso ng Diyablo.
Ang kamatayang sinapit niya ay isang kahiya-hiya at napakasakit na kamatayan.
Naranasan niya ang matinding paghihirap ng kalooban niya bilang isang isinumpa at tinalikuran ng kanyang Ama sa langit.
Basahin mo yung Gospel accounts tungkol sa buhay ni Jesus at marerealize mo na siya yung Suffering Servant na tinutukoy ni Isaiah. “Hinamak siya at itinakwil ng mga tao. Dumanas siya ng mga sakit at hirap. Tinalikuran natin siya, hinamak, at hindi pinahalagahan. Ang totoo, tiniis niya ang mga sakit at mga kalungkutang dapat sanaʼy tayo ang dumanas. Ang akala natin ay pinarusahan siya ng Dios dahil sa kanyang mga kasalanan” (Isa. 53:3-4 ASD). Ang mga paghihirap na dinanas ni Cristo ay hindi parusa ng Diyos sa kanya dahil wala naman siyang kasalanan. Tayo ang makasalanan. Ang mga paghihirap natin sa mundong ito ay dulot ng kasalanan na pumasok sa mundo nang mahulog sina Adan at Eba sa tukso ng Diyablo.
Ang pagparito ni Cristo at ang pagdanas niya ng mga kahirapan ay upang maging perfectly qualified siya as our only Mediator to God. “Sa pamamagitan ng kanyang pagdurusa, siya'y ginawang ganap ng Diyos at nang sa gayon ay makapagdala siya ng maraming anak patungo sa kaluwalhatian” (Heb. 2:10 MBB). Siya ang perfect Savior natin dahil naranasan niya ang mga paghihirap na dinanas natin. “Nadarama rin ng ating punong pari ang lahat ng kahinaan natin, dahil naranasan din niya ang lahat ng pagsubok na dumarating sa atin, pero hindi siya nagkasala” (Heb. 4:15 MBB). Tayo, konting pagsubok lang nagkakasala na agad. Sina Adan at Eba nga perfect environment nila, pero nagkasala pa rin. Tapos ang dali nating sisihin yung paligid natin, o sitwasyon natin, o hirap ng buhay ngayon, o gawa ng ibang tao, para i-excuse ang kasalanan natin. Pero si Jesus, katakut-takot na hirap ang dinanas niya pero hindi siya nagkasala kahit isa. Ayon kay Mohler, makapangyarihang makapagliligtas ang gospel sa ating mga makasalanan dahil si Cristo ay walang kasalanan. Walang kapangyarihan ang gospel kahit na ialay ni Cristo ang sarili niya na parang hayop na kakatayin kung wala naman siyang “perfect life and total innocence.”

“Under Pontius Pilate”

Nagdusa si Jesus. Pero wala siyang kasalanan. At isa ito sa point na ini-stressed ng “suffered under Pontius Pilate.” Sa dinami-dami ng mga taong karakter sa Bibliya, bukod kay Mary ay isa pa itong si Pontius Pilate, governor ng Judea sa ilalim ng pamamahala ng mga Romano, ang tampok dito sa bahaging ito ng Creed. Bakit kaya? Una, ay para patunayan na itong ginawa ni Jesus at yung dinanas niya ay totoong nangyari sa kasaysayan. Hindi ito isang alamat lang, o isang theological concept lang. Totoong nangyari ito. At may bisa lang ang gospel na iligtas tayo kung ito ay totoong nangyari (1 Cor. 15:3-5, 14, 19). Dahil kung ito ay kathang-isip lang, kathang-isip lang din ang kaligtasan natin. Balewala ang lahat.
Buti na lang totoong lahat ito. Totoong nangyari. Kung paanong totoo sa kasaysayan si Pontius Pilate, ganun din katotoo ang Panginoong Jesus at ang ginawa niya para sa atin. Marami pa naman ngayong uso na historical revisionism, tulad ng binabago yung mga nangyari sa panahon ng dictatorship ni Marcos. Ginagawa nila yun to serve their political agenda, para makontrol ang pag-iisip ng masa. Pero ang gospel ay hindi historical revisionism o legend. Ito ay good news dahil hindi ito fake news.
So, ano ang nangyari sa paglilitis ni Pilato kay Jesus? Pinaratangan kasi siya ng mga Jewish leaders ng paghihimagsik laban sa Roman goverment. Dahil wala silang karapatang maggawad ng parusa, kailangang Roman government ang maghusga. Sa pag-iimbestiga ni Pilato, ito ang sabi niya sa mga Jewish leaders, “Inimbestigahan ko siya sa harap ninyo at napatunayan kong hindi totoo ang mga paratang nʼyo laban sa kanya. Ganoon din ang napatunayan ni Herodes kaya ipinabalik niya si Jesus dito sa akin. Wala siyang nagawang kasalanan upang parusahan ng kamatayan” (Luke 23:13-15). At sa harap ng maraming tao na naghihintay na hatulan si Jesus, ganito ang sabi ni Pilato, hindi lang isang beses: “Wala akong makitang kasalanan sa taong ito...Gusto kong malaman nʼyo na wala akong nakitang kasalanan sa kanya” (John 18:38; 19:4)! Ayun naman pala, wala naman talagang kasalanan si Jesus. Pero pinalaya ba siya? Hindi!
Itong si Pilato, natural na trapo, wala naman siyang pakialam sa katotohanan at sa hustisya. Basta maging popular sa mga tao, lalo na at ma-please ang emperador, yun ang gagawin niya kahit baluktutin ang hustisya (sounds like many politicians today, right?). Nagsisigaw ang mga tao, “Patayin siya! Patayin siya! Ipako siya sa krus” (v. 14)! Ibinibigay nga ni Pilato si Jesus para ipako sa krus. Oo, may kasalanan si Pilato at ang mga Jewish leaders, pati ang publiko, sa pagsasabwatan para mabaluktot ang hustisya, para maparusahan ang walang-sala, at si Barabbas na isang convicted criminal ang mapalaya (18:40). Pero ang lahat ng ito ay nangyari eksakto ayon sa plano ng Diyos. Natupad ang Psalm 2, “Naghanda para sa digmaan ang mga hari sa lupa, at nagtipon ang mga pinuno laban sa Panginoon at sa kanyang Hinirang,” at ito ang ginamit sa panalangin ng mga persecuted Christians noon. Sabi pa nila, “Nagkatipon nga sa lungsod na ito sina Herodes at Poncio Pilato, kasama ang mga Hentil at ang buong Israel, laban sa inyong banal na Lingkod na si Jesus, ang inyong Hinirang. Nagkatipon sila upang isagawa ang lahat ng bagay na inyong itinakda noong una pa man ayon sa inyong kapangyarihan at kalooban” (Acts 4:26-28 MBB). “It was the will of the LORD to crush him; he has put him to grief” (Isa. 53:10).
Ano ang mabuting balak ng Diyos na mangyari sa pamamagitan ng masamang balak ng mga tiwaling opisyal ng gobyerno? Sagot sa Question 38 ng Heidelberg Catechism, “Bakit Siya nagdusa sa ilalim ng paglilitis ni Poncio Pilato bilang hukom? Bagama’t walang-sala, si Cristo ay hinatulan ng isang hukom na tao, at sa gayong paraan ay pinalaya Niya tayo mula sa mabigat na kahatulan ng Diyos na ipapataw sana sa atin.” Tayo dapat ang parusahan, tayo dapat ang mamatay at magdusa nang walang hanggan. Pero inakong lahat yun ng Panginoong Jesus. “Tayong lahat ay parang mga tupang naligaw. Bawat isa sa atin ay gumawa ng nais nating gawin. Pero siya ang pinarusahan ng Panginoon ng parusang dapat sana ay para sa ating lahat” (Isa. 53:6).
Ang tawag dito ay “penal substitution.” Yung penalty o parusa ay dapat sa atin dahil sa kasalanan natin. Pero si Jesus ang naging substitute natin. Siya ang pinarusahan in our place. Tayo naman ang nakalaya, nakaligtas, at nakaranas ng biyaya ng Diyos. Tinatawag din itong “the great exchange.” O, gracious exhange. This is grace. Amazing grace.

“Crucified”

Sa maraming Christians, nagiging boring na yung grace na yun kasi alam na natin, paulit-ulit na natin naririnig. Pero hindi na nagiging amazing. Bakit? Kasi hindi natin inuunawang mabuti kung anong klaseng “parusa” ang inako ni Jesus para sa atin. Hindi lang siya nagdusa, hindi lang siya namatay, ipinako siya sa krus, death by crucifixion. Ito na ang pinakamababa, pinakamasaklap, pinakanakahihiya, pinakakarumal-dumal na kamatayan.
Kahit taglay niya ang kalikasan ng Diyos, hindi niya ipinagpilitang manatiling kapantay ng Diyos. Sa halip, kusa niyang binitawan ang pagiging kapantay ng Diyos, at namuhay na isang alipin. Ipinanganak siya bilang tao. At nang siya'y maging tao, nagpakumbaba siya at naging masunurin hanggang kamatayan, maging ito man ay kamatayan sa krus. (Phil. 2:6-8 MBB)
Itong crucifixion ang isa sa pinaka-barbaric na death penalty in history. Hindi tulad ng death by stoning sa Jewish law. Sakto sa plano ng Diyos na sa puntong ito ng history ay mga Romano ang naggagawad ng ganitong parusa para sa mga nagrerebelde. Dahan-dahang namamatay yung nakapako sa krus, hanggang hindi na niya maiangat ang sarili niya para makahinga. Bukod sa physical torture, pinakamalala yung kahihiyan na yung hubad mong katawan ay nakabalandra sa maraming tao. At kung napanood n’yo yung Passion of the Christ ni Mel Gibson, talaga namang hindi ka makakatingin sa hirap na dinanas niya, sa sugat na humiwa sa balat at laman niya, sa dugo na bumabalot sa buong katawan niya. Makabagbag damdamin ang eksena. Maaawa ka kay Jesus. Mararamdaman mo ang laki ng pagmamahal ng Diyos sa atin. At baka ma-inspire ka na magsakripisyo rin sa ibang tao na tulad niya. But, we don’t need that movie to understand the cross. Sapat ang Salita ng Diyos. At para sa maraming tao, kung mapapanood nila yun, lalo pa silang madi-distract sa real meaning of the cross.
Kasi yung ibang tao, sasabihin na nagbibigay lang daw si Jesus ng halimbawa o modelo na dapat nating tularan, o ipinapakita niya kung gaano kasukdulan siya kung magmahal. Hindi raw yun “handog sa kasalanan” o “pag-ako sa hatol o parusa ng Diyos,” tulad ng pinaniniwalaan nating itinuturo ng Bibliya. Kasi kung ganun, tapos si Jeus pa yung beloved Son of God, lalabas daw na ang Diyos ay isang “cosmic child abuser” at ang pagkapako kay Jesus sa krus ay isang form of “cosmic child abuse” (Albert Mohler). Kailangan ba talaga ang crucifixion? Hindi ba pwedeng magpatawad na lang ang Diyos nang walang paparusahan? Nang hindi ipapadala si ang Anak niya? Less gracious ba siya? Hindi ba siya madaling magpatawad? Di ba, God is love? Biblical ba talaga ‘yang wrath of God o parang tulad lang ng mga diyos ng mga pagano (Robert Letham, The Work of Christ, p. 126)?
Ano ang problema sa ganitong form of thinking about the cross? Ang liit ng tingin natin sa Diyos, ibinababa natin siya na tulad lang din nating mga tao. Ang liit ng tingin natin sa kabanalan ng Diyos. Ang liit ng tingin natin sa kasalanan ng tao. Ang liit ng tingin natin sa katarungan ng Diyos. Pwede ba namang isantabi lang niya ang kasalanan laban sa kanyang kataas-taasang karangalan nang hindi nayuyurakan ang kanyang perpektong katarungan? Ang liit din ng tingin natin kay Cristo. Hindi naman siya pinilit ng Ama na para siyang walang kamalay-malay na tupa na kakatayin sa katayan. He willingly laid down his life for his sheep (John 10:11, 15, 18). God is perfectly holy. We are great sinners against his infinite majesty. He is righteous and just. And he is also loving, that is why he sent Jesus to die on the cross for us. Pag-ibig at katarungan ng Diyos ay nagtagpo sa krus ni Cristo (Rom. 3:26; 5:8).
Kung nauunawaan mong mabuti kung ano ang katarungan ng Diyos, mas maaarok mo rin nang mas malalim ang pag-ibig ng Diyos na nag-udyok sa Diyos para ipadala ang kanyang nag-iisa at pinakamamahal na Anak para sa atin (John 3:16). Kung hindi dahil kay Cristo, nananatili ang poot ng Diyos sa ating mga makasalanan (John 3:36). Pero dahil sa krus, “Tinubos tayo ni Cristo mula sa sumpa ng Kautusan nang siya ay isinumpa para sa atin, sapagkat nasusulat, ‘Isinumpa ang bawat binibitay sa punongkahoy’ (cited from Deut. 21:23)” (Gal. 3:13). Inako ni Jesus ang sumpa ng bagsik ng galit at parusa ng Diyos sa anim na oras na nakapako siya sa krus. Yun ang essence ng iyak niya na, “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”
Tanong ng ibang tao, “E paano namang yung pagkapako sa kanya na tumagal nang anim na oras ay sasapat para bayaran ang parusa na eternal condemnation para sa mga milyun-milyong mga tao na sasampalataya kay Jesus?
Kung tao lang siya na tulad lang natin, hindi sapat yun. Kahit magpapako ka sa krus nang ilang milyong beses hindi enough yun. Napakalaki ng kasalanan natin. Hindi naman ito palakihan, o paramihan, o pagrabehan ng kasalanan. Malaki ang kasalanan natin dahil nagkasala tayo sa Diyos na kataas-taasan. Ang kabayaran din ay kailangang of infinite value. Kaya nga tinawag yun na “the precious blood of Christ” na higit pa sa pilak o ginto ang halaga (1 Pet. 1:18-19). Ang krus ay patotoo hindi sa “worth” o halaga nating mga tao, kundi sa “infinite worth” o walang hanggang halaga ng Panginoong Jesu-Cristo—tunay na Diyos at tunay na tao, perfect Mediator between God and Man (1 Tim. 2:5). We are great sinners, we have a great Savior. Ang krus ni Cristo ang nagpapatotoo dyan.

“Dead and Buried”

“Suffered under Pontius Pilate, was crucified, died and was buried.” Ipinako siya sa krus hanggang mamatay. Totoong namatay siya. Bago ang huling hininga niya, sinabi niya, “It is finished.” Tapos ay iniyuko ang kanyang ulo at tuluyan nang nalagutan ng hininga (John 19:30). Nakita ng mga sundalo na patay na nga si Jesus, kaya hindi na binali ang paa niya. Tinusok nila ang tagiliran ni Jesus at lumabas ang dugo at tubig. Nangyaring lahat ito bilang katuparan ng Kasulatan (vv. 36-37). Sabi ni apostle John, “Nakita ko mismo ang mga pangyayari, at isinasalaysay ko ito sa inyo. Totoong nangyari ito, kaya alam kong totoo ang mga sinasabi ko. Isinasalaysay ko ito upang sumampalataya rin kayo” (v. 35 ASD). At inilibing din siya sa libingan ng isang mayaman tulad ng sinasabi ng Kasulatan (vv. 38-42; see Isa. 53:9).
Ang lahat ng nangyaring ito ay totoo. Makatitiyak tayo na totoo ang basehan ng pananampalataya natin—si Cristo at ang kanyang ginawa sa krus. “In Christ the solid rock I stand, all other ground is sinking sand.” “Si Cristo ang sandigan ko, siya ang matibay kong bato, at kanlungan pag may bagyo.” Maaawit natin ‘yan kahit anong panahon. Bakit? Dahil kay Cristo at sa ginawa niya sa krus “grace upon grace” ang tinanggap natin—limpak-limpak na biyaya, patung-patong na biyaya, nag-uumapaw na biyaya, sukdulang biyaya. Lahat ito ay napasaatin at mapapasaatin kung maniniwala tayo at magtitiwala sa kasapatan ng ginawa niya para sa atin.
Dahil sa ginawa ni Cristo sa krus, napawi na ang galit ng Diyos laban sa atin (“propitiation”). “A propitiation by his blood” (Rom. 3:25; also Heb. 2:17; 1 John 2:2). We deserved his wrath, we received his love.
Dahil sa ginawa ni Cristo sa krus, inalis na ang kasalanang naghihiwalay sa atin sa Diyos (“expiation”). “He condemned sin” nang si Cristo ay ipako sa krus” (Rom. 8:3). Dahil dun, wala nang kahatulang natitira sa atin. Pinatawad na ang kasalanan natin. “Kung gaano kalayo ang silangan sa kanluran, gayon din niya inalis sa atin ang ating mga kasalanan” (Psa. 103:12).
Dahil sa ginawa ni Cristo sa krus, tinubos at pinalaya na tayo mula sa pagkakaalipin natin sa kasalanan (“redemption”). “Ibinigay niya ang kanyang sarili para sa atin upang tubusin tayo sa lahat ng kasamaan” (Tit. 2:14 ASD). Sa MBB, “upang palayain tayo sa lahat ng kasamaan.” “In him we have redemption through his blood, the forgiveness of our trespasses, according to the riches of his grace” (Eph. 1:7).
Dahil sa ginawa ni Cristo sa krus, itinuring na tayong matuwid (“justification”). “Kailanmaʼy hindi nagkasala si Cristo, ngunit alang-alang sa atin, itinuring siyang makasalanan para sa pamamagitan niyaʼy maituring tayong matuwid ng Dios” (2 Cor. 5:21 ASD).
Dahil sa ginawa ni Cristo sa krus, naipagkasundo na tayo sa Diyos, napanumbalik ang relasyon natin sa kanya (“reconciliation”). “Dati, tayo'y mga kaaway ng Diyos, ngunit tinanggap na niya tayo bilang mga kaibigan (‘reconciled’) sa pamamagitan ng pagkamatay ng kanyang Anak” (Rom. 5:10; also 2 Cor. 5:19).
Dahil sa ginawa ni Cristo sa krus, pinalaya na tayo sa kapangyarihan ng diyablo at ng kamatayan (“liberation”). “Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan” ay winasak “niya ang diyablo na siyang may kapangyarihan sa kamatayan” at “pinalaya niya ang lahat ng tao na buong buhay nila'y inalipin ng takot sa kamatayan” (Heb. 2:14-15). Anong katatakutan mo?
Dahil sa ginawa ni Cristo sa krus, nakipag-isa na tayo kay Cristo (“union with Christ”). “I have been crucified with Christ. It is no longer I who live, but Christ who lives in me” (Gal. 2:20).
Dahil nakipag-isa na tayo sa ginawa ni Cristo sa krus, united with Christ in his death, kailangan nating patayin ang kasalanan at mamuhay nang may kabanalan (“sanctification”). “Ang dati nating pagkatao ay naipako na sa krus kasama niya, upang mamatay ang ating makasalanang pagkatao at nang hindi na tayo maalipin pa ng kasalanan” (Rom. 6:6). Kailangan at kaya na natin itong patayin sa tulong ng Espiritu (Rom. 8:13). Namatay si Cristo sa krus para sa ating mga kasalanan hindi para magpatuloy tayo sa kasalanan, but “to purify for himself a people for his own possession who are zealous for good works” (Tit. 2:14-15).
Dahil nakipag-isa na tayo sa ginawa ni Cristo sa krus, walang anumang paghihirap ang nararanasan natin ngayon ang makapaghihiwalay sa atin sa Diyos. Ayon kay Ben Myers (The Apostles’ Creed, 75-76), bawat paghihirap na nararanasan natin ay isang pagkakataon o oportunidad “to identify with Jesus,” to “suffer with him so that we may also be glorified with him” (Rom. 8:17). Maging ang kamatayan ay nagiging isa pang paraan para makasunod kay Jesus at makibahagi sa kanya. Lahat naman ng tao mamamatay, pero tayong mga nakay Cristo, “we die differently,” dahil ang Anak ng Diyos ay nagkatawang-tao, naghirap na tulad natin, namatay sa krus para sa atin, at alam nating ang buhay o ang kamatayan ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na nakay Cristo Jesus na ating Panginoon (Rom. 8:38-39).
Kung ito pala yung “grace upon grace” na dulot ng pagdurusa at kamatayan ni Cristo sa krus, bakit mo pa pagdududahan ang kasapatan ng biyaya niya sa panahon ng kahirapan, kawalan, at kamatayan? Bakit ka pa maghahanap ng iba maliban kay Cristo? Bakit ka pa mahuhumaling sa mga inaalok ng mundong ito? Bakit hindi ka mamamangha sa sukdulang biyaya ng Diyos?
Related Media
See more
Related Sermons
See more